COVID-19: Impormasyon para sa mga tagapag-empleyo

Pangkalahatang mga hakbang upang matukoy at makontrol ang mga panganib sa COVID-19.

Shape

Ang impormasyong ito ay tama noong panahong inilathala

Bisitahin din ang coronavirus.vic.gov.au para sa pinakahuling impormasyon tungkol sa COVID-19 dahil ang mga tagubilin at mga (kahingian) ng industriya ay maaaring magbago anumang oras, at tungkulin mong magkaroon ng kamalayan tungkol dito.

coronavirus.vic.gov.au

Batas sa kalusugan at kaligtasan sa trabaho at ang COVID-19

Bilang isang tagapag-empleyo, mayroon kang mga ligal na tungkulin sa ilalim ng Batas sa Kalusugan at Kaligtasan sa Trabaho 2004 na nalalapat sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19 sa inyong lugar ng trabaho. Dapat mong sundin hangga't makatwirang maisasagawa:

  • magbigay at magpanatili ng kapaligiran sa trabaho na ligtas at walang panganib sa kalusugan ng mga empleyado
  • bigyan ang mga empleyado ng kinakailangang impormasyon, tagubilin, pagsasanay o pangangasiwa upang maisagawa nila nang ligtas ang kanilang mga trabaho
  • magbigay ng impormasyon sa mga empleyado tungkol sa kalusugan at kaligtasan sa lugar ng trabaho, sa mga naaangkop na wika
  • tiyakin na ang ibang mga tao ay hindi malalantad sa mga panganib sa kanilang kalusugan o kaligtasan dahil sa iyong mga gawain sa trabaho.

Ang gabay na ito ay nagbibigay ng ilang pangkalahatang mga hakbang upang matukoy at makontrol ang panganib ng pagkalantad sa COVID-19 bilang bahagi ng pagtupad sa iyong mga tungkulin sa kalusugan at kaligtasan.

Sa ilalim ng mga kautusan sa pandemya mula sa Ministro ng Kalusugan ng Victoria, maaaring mayroon ding mga partikular na pagkilos na dapat mong gawin upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Pagtukoy ng mga panganib sa COVID-19

Dapat mong alamin kung mayroong panganib sa kalusugan ng iyong mga empleyado mula sa pagkalantad sa COVID-19 sa iyong lugar ng trabaho.

Ang COVID-19 ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng:

  • ang mga aerosol na nasa hangin na dulot ng mga kilos tulad ng pag-ubo, pagbahing, pakikipag-usap, pagsigaw o pagkanta - maaari itong manatili sa hangin nang ilang oras, lalo na sa mga panloob na lugar na may mahinang bentilasyon
  • mga maliliit na patak (droplet) kapag ang isang taong nahawahan ay umuubo, bumahin, nagsasalita, sumisigaw o kukamanta - maaari itong pumasok sa iyong mga mata, ilong o bibig kapag malapit kang nakikipag-ugnayan o kaya tumalsik sa mga ibabaw
  • paghipo sa mga bagay o ibabaw (tulad ng mga hawakan ng pinto) na nakontamina ng mga droplet.

Mga paraan upang matukoy ang mga panganib

  • Pumunta sa coronavirus.vic.gov.au upang malaman ang pinakahuling payo dahil nagbabago ang mga bagay-bagay.
  • Suriin ang inyong lugar ng trabaho at mga kasanayan sa trabaho upang matukoy ang mga paraan kung paano maaaring kumalat ang COVID-19. Halimbawa, kapag ang mga empleyado ay nasa kulob na mga lugar na hindi nahahanginan, nagsasalo ng kagamitan o may contact sa madalas hawakang mga ibabaw.
  • Isaalang-alang kung ang mga gawain sa trabaho ay naglalagay sa ibang mga tao tulad ng mga kliyente o publiko sa panganib na malantad sa COVID-19.

Pagkontrol ng mga panganib sa COVID-19

Kung may natukoy na panganib sa kalusugan at kaligtasan sa iyong lugar ng trabaho, dapat mong alisin ang panganib hanggang sa makatwirang maisasagawa. Kung hindi mo matanggal ang panganib, dapat mong bawasan ang panganib hanggang sa makatwirang maisasagawa. Ang mga hakbang sa pagkontrol na gagamitin ay depende sa panganib, at kung ang hakbang ay magagamit at angkop para sa inyong lugar ng trabaho.

Pagtiyak na alam ng mga empleyado ang kanilang gagawin

Ang iyong tungkulin na alisin o bawasan ang mga panganib na nauugnay sa pagkakalantad sa COVID-19 hanggang sa makatwirang maisasagawa ay kabibilangan ng pagtiyak na:

  • alam ng mga empleyado kung ano ang gagawin kung masama ang kanilang pakiramdam o sa tingin nila ay nahawahan sila (tingnan sa ibaba)
  • hindi dapat pumunta sa lugar ng trabaho ang may sakit na mga empleyado , kasama ang mga empleyado na naghihintay ng mga resulta sa pagsusuri ng COVID-19 (maliban sa mga pagsusuri na isinagawa bilang bahagi ng pagsusuring pagsubaybay sa lugar ng trabaho) at ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ang mga sintomas ng COVID-19 na dapat bantayan ay:

  • lagnat
  • panginginig at pamamawis
  • ubo
  • namamagang lalamunan
  • pangangapos ng hininga
  • tumutulong sipon
  • pagkawala o pagbabago sa pang-amoy o panlasa.

Ang ilang mga tao ay maaari ring makaranas ng sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, baradong ilong, pagduruwal, pagsusuka at pagtatae.

Kung magkaroon ang isang empleyado ng anumang mga sintomas ng COVID-19, gaano man kabanayad, hindi siya dapat pumasok sa trabaho. Sa halip ay dapat siyang:

  • magbukod kaagad ng sarili
  • magpasuri sa pinakamalapit na lugar ng pagpapasuri at pagkatapos ay umuwi kaagad ng bahay.
  • kung kailangan, humingi ng medikal na payo sa kanilang doktor o sa Victorian Coronavirus Hotline sa 1800 675 398

Pagtatala

  • Sundin ang mga kahingian ng Pamahalaang Victoria tungkol sa pagtatala ng detalye ng mga taong pumupunta sa lugar ng trabaho.

Pisikal na pagdistansya

  • Siguraduhin na ang mga empleyado ay nagpapanatali ng distansya na hindi bababa sa 1.5 metro sa pagitan nila at ng ibang mga tao
  • Sundin ang mga patakaran sa bilang ng tao (density) ng Pamahalaang Victoria
  • Bawasan ang mga pagpupulong na harapan
  • Pag-isipan ang pagpayag sa (flexible) na kaayusan sa trabaho, tulad ng mga empleyadong nagtatrabaho mula sa bahay o hindi pare-parehong oras ng pagsisimula at pagtatapos sa trabaho.

Pagdaloy ng sariwang hangin sa loob

Lubusin ang pagpasok ng sariwang hangin sa loob ng mga lugar. Ang sariwang hangin ay maaaring pumasok sa pamamagitan ng:

  • Pagbukas sa mga bintana, pintuan o mga bentilasyon ng hangin
  • Mga sistema ng air-conditioning, heating o bentilasyon na naka-set sa pagpasok ng hangin mula sa labas

Maaaring gamitin ang mga air purifier kung hindi mapaganda ang bentilasyon sa pamamagitan ng pagpapapasok ng mas maraming sariwang hangin sa loob ng mga lugar.

Paglilinis

  • Dalasan ang regular na mga kagawian sa paglilinis
  • Linisin at disimpektahin nang regular ang mga madalas hawakan at pinagsasaluhang mga ibabaw, tulad ng mga telepono, keyboard, hawakan ng pinto, switch ng ilaw at bench top
  • Sundin ang payo ng Kagawaran ng Kalusugan tungkol sa paglilinis at pagdidisimpekta.

Personal na kalinisan

Magbigay ng sapat na mga pasilidad o produkto (tulad ng hand sanitiser at sabon) upang maisagawa ng mga empleyado ang mabuting kalinisan.

Dapat ugaliin ng bawat isa sa lugar ng trabaho ang mabuting kalinisan:

  • madalas na linisin ang mga kamay gamit ang sabon at tubig (nang hindi bababa sa 20 segundo) o panlinis ng kamay na batay sa alkohol
  • kung kitang-kita nang marumi ang mga kamay, hugasan gamit ang sabon at tubig
  • hugasan ang mga kamay gamit ang sabon at tubig
    • bago kumain
    • matapos gumamit ng kubeta
    • pagkagaling sa pampublikong lugar
    • pagkatapos umubo, bumahing o suminga
  • takpan ang ilong at bibig kapag umuubo at bumabahing, at itapon kaagad ang mga ginamit na tisyu.

Personal na Kagamitang Pamproteksiyon (Personal Protective Equipment -PPE)

  • Magbigay ng naaangkop na PPE kung kinakailangan
  • Magbigay ng impormasyon at pagsasanay kung bakit kinakailangan ang PPE at kung paano ito gagamitin nang ligtas
  • Alamin ang higit pa tungkol sa Pamamahala ng mga panganib sa COVID-19: Mga facemask sa lugar ng trabaho.

Impormasyon sa iyong wika

Para sa impormasyon tungkol sa WorkSafe sa iyong sariling wika, tawagan ang aming Serbisyong Pagsasalin at Interpreting (TIS National) sa 131 450.