COVID-19: Impormasyon para sa mga empleyado

Mga karaniwang itinatanong tungkol sa COVID-19 at sa kalusugan at kaligtasan sa lugar ng iyong pinagtatrabahuhan.

Shape

Ang impormasyong ito ay tama noong panahong inilathala

Bisitahin din ang coronavirus.vic.gov.au para sa pinakahuling impormasyon tungkol sa COVID-19.

Kausapin ang iyong tagapag-empleyo tungkol sa impormasyon at mga partikular na kinakailangan para sa inyong industriya.

coronavirus.vic.gov.au

Ano ang dapat gawin ng iyong tagapag-empleyo upang protektahan ka laban sa mga panganib ng COVID-19 sa trabaho

Sa ilalim ng batas pangkalusugan at pangkaligtasan sa trabaho ng Victoria, ang iyong tagapag-empleyo ay dapat magbigay at magpanatili ng isang kapaligiran sa trabaho na ligtas at walang mga panganib sa kalusugan ng kaniyang mga empleyado, hanggang ito ay makatwirang maisasagawa. Kasama rito ang mga aksyon upang maiwasan ang panganib ng pagkakalantad sa COVID-19 sa trabaho.

Dapat alamin(tukuyin) ng iyong tagapag-empleyo kung mayroong panganib sa kalusugan ng mga empleyado, o ibang mga tao, na nauugnay sa COVID-19 sa kanilang lugar ng trabaho. Hanggang (sa ito) ay makatwirang maisasagawa, dapat siya ay:

  • gumamit ng naaangkop na mga hakbang sa pagkontrol upang maalis o mabawasan ang mga panganib na ito
  • kumunsulta sa mga empleyado at mga kinatawan ng kalusugan at kaligtasan (health and safety representatives - HSRs) kung mayroon man kapag gumagawa ng mga bagay tulad ng pagtukoy sa mga panganib at pagpapasya kung paano makokontrol ang mga ito
  • magbigay sa mga empleyado ng kinakailangang impormasyon, tagubilin, pagsasanay o pangangasiwa upang maisagawa nila nang ligtas ang kanilang mga trabaho
  • magbigay ng impormasyon sa mga empleyado tungkol sa kalusugan at kaligtasan sa lugar ng trabaho, sa mga naaangkop na wika

Dapat ding sundin ng iyong tagapag-empleyo ang mga ipinag-uutos ng pamahalaan tungkol sa COVID-19, halimbawa, ang mga Kautusan sa Pandemya mula sa Ministro ng Kalusugan sa Victoria.

Dapat ding sundin ng iyong tagapag-empleyo ang mga tagubilin ng gobyerno tungkol sa COVID-19, halimbawa, mula sa Punong Opisyal ng Pangkalusugan (Chief of Health Officer) ng Victoria.

(Kung ano) ang dapat gawin ng iyong tagapag-empleyo upang mapangasiwaan ang peligro ng pagkalantad sa COVID-19 ay nakasalalay sa:

  • uri ng trabahong ginagawa mo
  • antas ng peligrong nauugnay sa gawain
  • kung ano ang makatwirang (praktikal na) maisasagawa para sa mga gawain at nauugnay na mga panganib, kabilang ang pagkakaroon ng mga suplay
  • kasalukuyang mga Kautusan sa Pandemya mula sa Ministro ng Kalusugan sa Victoria o payo ng pamahalaan, halimbawa, ang patnubay mula sa Kagawaran ng Kalusugan

Mga hakbang sa pagkontrol

Kabilang sa ilang mga halimbawa ng mga hakbang sa pagkontrol na maaaring naaangkop upang pamahalaan ang peligro ng pagkakalantad sa COVID-19 ang:

  • pisikal na pagdistansya hanggat maaari
  • pagbabago ng mga kagawian sa trabaho upang mabawasan ang pakikipag-ugnay (contact) sa ibang mga tao
  • pagpapahintulot sa mga empleyado na magtrabaho mula sa ibang lokasyon, tulad halimbawa, mula sa bahay
  • paglikha ng mga bubble sa mga nagtatrabaho (workforce bubbles) (halimbawa, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga grupo ng mga empleyado sa parehong shift sa iisang lugar ng trabaho) upang mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 kung mayroong paglaganap o paghahawahan sa komunidad
  • pagtitiyak na ang lugar ng trabaho ay may sapat na sariwang hanging pumapasok sa loob
  • higit pang paglilinis at pagdidisimpekta sa lugar ng trabaho, lalo na sa mga lugar na madalas puntahan
  • pag-iwas sa paggamit ng pinagsasaluhang mga telepono, mesa, gamit at kagamitan
  • paghikayat sa bawat isa sa lugar ng trabaho na ugaliin ang mabuting kalinisan at pagbibigay ng mga bagay tulad ng mga pasilidad sa paghuhugas ng kamay at hand sanitiser
  • pagtiyak na ang mga empleyado ay hindi pumapasok sa trabaho kung may sakit at pagkakaroon ng mga plano sakaling magkaroon ng mga sintomas ang isang empleyado habang nasa lugar ng trabaho
  • pagpapahintulot ng palugit sa oras ng pahinga (break time) upang makasunod sa mga pamamaraan sa kalinisan
  • pagtatala ng detalye ng mga manggagawa at bisita na pumupunta sa lugar ng trabaho
  • kung saan kinakailangan, pagbibigay ng personal na kagamitang pamproteksiyon (PPE), at impormasyon at pagsasanay kung bakit kinakailangan ang PPE at kung paano ito gagamitin nang ligtas

Kung nag-aalala ka kung paano pinamamahalaan ang mga panganib sa COVID-19 sa iyong trabaho

May karapatan kang maging ligtas sa trabaho. Kung nag-aalala ka kung paano pinangangasiwaan ng inyong lugar ng trabaho ang panganib sa COVID-19, maaari kang makipag-usap sa iyong tagapag-empleyo o HSR (kung mayroon kayo nito) tungkol sa mga kontrol na ipinaiiral.

Kung nag-aalala ka pa rin tungkol sa iyong kalusugan at kaligtasan, maaari kang:

  • sundin ang mga proseso sa paglutas ng isyu sa inyong lugar ng trabaho
  • makipag-ugnay sa pangkat ng tagapayo ng WorkSafe sa 1800 136 089
  • humingi ng payo na para sa iyong partikular na mga kalagayan, kabilang ang mula sa mga samahan ng empleyado, (ligal na) tagapagbigay (legal providers), o opisyal na payo na inisyu ng Kagawaran ng Kalusugan o iba pang mga ahensya ng pamahalaan

Ang iyong mga responsibilidad sa kalusugan at kaligtasan

Bilang empleyado, mayroon kang tungkulin na:

  • ingatan nang mabuti ang iyong kalusugan at kaligtasan sa lugar ng trabaho
  • ingatan nang mabuti ang kalusugan at kaligtasan ng ibang mga tao sa lugar ng trabaho
  • makipagtulungan sa iyong tagapag-empleyo tungkol sa anumang aksyon na gagawin upang sumunod sa isang (kahingian) sa ilalim ng Batas OHS

Nangangahulugan ito na dapat kang makipagtulungan sa anumang makatwirang mga patakaran o tagubilin ng iyong tagapag-empleyo upang mabawasan ang mga panganib sa COVID-19, kahit pa nagtatrabaho ka mula sa bahay.

Upang maprotektahan ang iba, dapat mong sundin ang mga hakbang sa ibaba kung masama ang iyong pakiramdam, o sa tingin mo ay isa kang malapit na contact.

Ang gagawin kung masama ang iyong pakiramdam

Ang mga sintomas ng COVID-19 na dapat bantayan ay:

  • lagnat
  • panginginig at pamamawis
  • ubo
  • namamagang lalamunan
  • pangangapos ng hininga
  • tumutulong sipon
  • pagkawala o pagbabago sa pang-amoy o panlasa

Ang ilang mga tao ay maaari ring makaranas ng sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, baradong ilong, pagduruwal, pagsusuka at pagtatae.

Kung mayroon kang alinman sa mga sintomas ng COVID-19, gaano man kabanayad, dapat kang magbukod kaagad ng iyong sarili, magpasuri at kung kailangan mo ito, humingi ng payo mula sa iyong doktor o sa Victorian Coronavirus Hotline sa 1800 675 398.

Alamin ang higit pa tungkol sa pagpapasuri

Dapat mo ring:

  • sabihan ang iyong tagapag-empleyo sa lalong madaling panahon
  • sundin ang mga pamamaraan sa inyong lugar ng trabaho
  • ipaalam sa iyong tagapag-empleyo kung nagbago ang sitwasyon, halimbawa kung nakatanggap ka ng positibong diyagnosis ng COVID-19

Ano ang gagawin kung naging contact ka ng isang taong may COVID-19

Kung nagkaroon ka ng contact sa isang taong may COVID-19, dapat mong sundin ang mga patakaran ng Kagawaran ng Kalusugan.

Kung kailangan mong ibukod ang sarili, dapat mo itong sabihin sa iyong tagapag-empleyo sa lalong madaling panahon, at i-update sila kung nagbago ang kalagayan, halimbawa, kung nakatanggap ka ng positibong pagsusuri sa COVID-19.

Impormasyon sa iyong wika

Para sa impormasyon tungkol sa WorkSafe sa iyong sariling wika, tawagan ang aming Serbisyong Pagsasalin at Interpreting (TIS National) sa 131 450.